Sunday 13 December 2009

Guni-guni ng isang kahapon

Isang musmos . . .
walang kamuwang-muwang sa buhay
sa magulo at mapaghamong daigdig
di pinapansin ang dumaraang araw, taon
takbo rito, lakad doon,
walang nadaramang pagod.

Sa mga sandaling yon . . .
tagamasid ang mairuging ama't ina
minamasdan ang tagapagmana
ng maiiwang yaman nila.

Di naglaon . . .
isang matangkad, payat na kaanyuan
ang matatanaw sa di kalayuang lugar
doon sa kanto, kasama ang barkada
walang inaatupag kundi: alak, sugal, sigarilyo at . . .

Pangaral at bilin ng yumaong magulang
lahat-lahat ay nawalang kabuluhan
pinabayaan ang pag-aaral
na tanging gabay ng kanyang hiram na buhay
minabuti pa ang maging palaboy
at magpakaligaya nang walang kabuluhan!

Sana . . .
bukas pa ang kahapon
disin sana'y naiwasan ang mga pangyayari ngayon
maibalik ang masasayang araw -
ang kahapon na magbibigay ng pag-asa
pag-asa sa kanyang kinabukasan.

Paano ngayonng wala na sila
ang mga nagmamalasakit, nag-alala sa kanya
lalung-lalo na sa oras ng kagipitna
kung maibalik lamang ang nakaraan
hindi ganito ang kanyang kasasapitan
sana . . . bukas pa ang kahapon!